Wednesday, February 28, 2007

Bagahe

Lubusang bagahe ang iyong mga alaala sa akin. Halos makuba ako sa pagbibitbit ng mga dalahing ito ngunit patuloy ang aking pagkarga, patuloy ang pagdala ko sa iyo. Male-maleta ng iyong nakaraan ang aking araw-araw na dinadala. Sa mga makikipot na daan na minsan lamang dapuan ng liwanag, sa mga eskinitang tinambayan ng aking lungkot at pagdurusa, sa mga kalsadang inaspalto ng luha, pagod at kawalan ng pag-asa, sa mga baku-bakong lansangang madalas ko tirikan. Dito,dito kita pilit tinatawid.

Madalas, gusto na kita iwan, madalas gusto na kita itapon sa mga matatarik na bangin ng pagkalimot, madalas gusto na kita ibaon sa aking baul at ilibing ito sa kinakalawang kong puso, ngunit ikaw ang tipo ng bagaheng hindi ko maisantabi, maiwan at maitapon.

Hanggang kailan kaya kita papasanin, hanggang kailan ka kaya manunukso ng mga baka at posibilidad sa aking naghihingalong pagsusuma, kung may pag-asa pa nga ba tayo? Male-maleta ang iyong nakaraan na umiikot sa aking gunita, kahon-kahon ang ating mga away at hindi matapos na paalam sa isa’t isa.

Alam ko ganito ka rin dati. Naglalakad ng nakayuko, halos mabali ang mga buto sa mabibigat na pasanin. Ngunit sabi mo nga ikaw ay lubusang masaya na, sa ganyan, walang hinahanap, walang ginugusto, walang hinihintay.

Bakit ba tayo umabot sa ganito? Sino ang makakapagsabi na magpapalitan tayo ng mga mala-punyal na salitang hindi natin alam kung saan hinugot, na magbibigayan tayo ng sakit at pighati at sa dulo halos pumasan ng mga kabundok na pasanin at bagahe na ‘di nagpapatulog sa atin sa maraming gabi?

Mahal na mahal pa rin kita. Ngunit baka tama ka nga na malamang hindi na rin sasapat ang mga ito. Wala na siguro sasapat. Wala ng makakahatid sa atin sa pampang upang maging tulad ng dati.

Naiisip parin kita. Naluluha pa rin ako sa mag paulit-ulit na bangungot ng ating nakaraan. Hanggang kailan kaya kita papasanin? Hanggang kailan kaya kita titiisin?

Ikaw ang aking pinakamasaya, pinakamaganda at pinakamalungkot na bagahe at alaala.

Nakakakuba magmahal at ang pagtatangkang lumimot…


sashaninel feb2007