Sunday, January 27, 2008




WE STAND ALONE TOGETHER.

Ang Talon sa Tanong





Ni Emmanuel M. Hizon

Bakit tayo nagtatayo ng mga matatayog na gusali,
Halos hipuin ang langit
Halos silipin ang kalawakan
Tila sumusuntok sa alapaap
mga manhid na bakal at semento ng ating museo,
para lamang lundagan ng ating mga ubos na pag-asa, katinuan at kasawian?

Bakit kay dami ng ating mga tulay, mahahaba, umiikot at matataas,
tinatagos ang mga dagat ng ating gunita,
tinatahi ang baybayin ng ating nakaraan
hinahakbangan ang natutulog nating mga alaala
ngunit bigo pa rin tayong makatawid at makapunta?

At bakit lagi pa rin tayo natatakot pumunta sa kabilang dako
at nagkakasyang makipagpatintero
makipagsapalaran at sumugal
sa bilis ng mga mapamuksang daloy ng lansangan?
Bakit mahilig tayong magpasagasa,
binubundol ng mga bangungot AT pighating ayaw lumaya,
binabangga ng mga multo at anino
pilit nagpapatiwakal ngunit walang pangako ng kamatayan,
nag-aabang sa estribo ng walang dumadating
naghihintay sa mga ayaw naman dumating?

Bakit tayo nagtatayo ng mga matatarik na pader,
Bakit natin ito sadyang binububugan at muling pinapatibay
Para lamang sandalan ng iba
Para lamang duruan, babuyin at ihian ng lubha,
para lamang wasakin, gibain at durugin
at upang makapasok ang hindi dapat papasukin?
Ilang beses mo na itong kinulayan at pininturahan
Ilang beses ko na rin itong kinulayan at piniNturahan.

Bakit pilit tayo naghahanap?
Bakit pilit mo siyang hinahanap?
Bakit pilit kitang hinahanap?
Bakit pilit niya akong hinahanap?

Lahat mayroong hinahanap
Lahat araw-araw naliligaw,
nawawala at muling maliligaw
tayo, mga estranghero ng mga umuulit at pamilyar na pook
nahihibang, nauubos ang mga buto
palaboy na walang dulo.

Enero 2008