Sunday, June 10, 2007
Maraming pangalan ang kalungkutan
Nakikita mo sila sa iba’t-ibang hugis
Lumilitaw silang paisa-isa o sabay-sabay
Nagpapasalin-salin sa mga labi, sa mga pisngi
Dumadampi sa mga guhit ng palad sa kamay
Dumadadagan sa dibdib sa yakap na mahigpit.
Nagpaparamdam sila nang walang pasintabi -
Sa madaling-araw, sa tanghali o sa kalaliman ng gabi.
At madalas kung walang pagsidlan lumalabas sila
Sa mga lansangan, nakakasalubong mo sa tawiran
Humahangos kapag green na ang signal.
Sumasakay sila, nakikipagsiksikan sa MRT pa-Ayala
Nasa huling upuan sa bus papuntang Alabang
O taga-abot ng bayad sa jeep na biyaheng Baclaran.
Umuupo sila sa may fountain area sa Glorietta
O kasabay mong humihigop ng white choco mocha.
Nagsusuot sila ng iba’t-ibang estilo, bago o retro
Nanganganak ng maraming kulay, humahalo
Sa karamihan minsan kusang humihiwalay:
Matingkad na pula, itim, puting-puti, basta sari-sari
Ang tubog ng balat, ng damit, ng buhok, ng labi.
Kinakawayan sila, binabati ng kakilala,
Nakakabunggo, nakakasabay sa daan
Tinatawag sa maraming pangalan ang kalungkutan
Sa iba’t-ibang araw, sa iba’t-ibang lugar
Kahit pa nananahan sa iisang katawan.
Subscribe to:
Posts (Atom)