Wednesday, February 28, 2007

Pag-ibig ng Isang Insomniac

Kusang lumalalim ang gabi kahit walang tagahukay
sinisilip ang takipsilim ng umagang hindi dumarating
ayaw dapuan ng antok
ni minsan hindi kumakatok
sa mga katulad kong minumulto
ng mga lumipas sa lahat ng sulok.

Bakit hindi mo lisanin ang matandain kong alaala?
Bakit ayaw mo ako ihatid sa pampang ng umaga?
Bakit hindi kita malimot
dalawang taon na rin akong binabangungot
ng mga ‘di-makaligtaang nakaraan
mga alaalang walang libingan
ang iyong mukha at pangalan
aking mga tula hindi lang minsan.

Sadya bang ganito ang mga sinumpang sumpaan?
Ang puso ko ay malaya ngunit bilanggo sa iyong piitan
Naiisip mo ba ako
sumasagi, natatanto?
Dahil ikaw ay palagi

madalas hinahabi
tinatahi ng aking isip at puso kong tumitigil
ang iyong bawat sandali
nakalipas at pagkukusa
lubos at ganap kong kamalayan
diwa ng tumatakas na pagmamahalan.

Marahil ikaw ay nahihimbing na
payapa ang piling
walang alintana
walang bagahe
hindi tulad ko
tunay na madami

Ang pinakamasakit ay hindi mo malaman
na hanggang ngayon ikaw ang laman ng tumatakas kong ulirat
katinuang hindi sumasapat
kay hirap mong lisanin
patiwakal kung gagawin
ngunit saan kita dadalhin
saan kita hahanapin?

Sabi mo, ang pag-ibig muling kumakatok
Ang sabi ko, ngayong gabi ang tanging nais ko ay yakap
at haplos ng antok.

030804