Tuesday, October 21, 2008

Maningning

Ginising ako ng tula ni Maningning Miclat. Dumaan tila isang patalim, matalas, nanghihiwa, umuunday, bumabaon sa aking nanlalamig na laman, sa aking naghihingalong kaluluwa. Tapos na dapat ang lathalain na ito, ang tala-arawan ng mga tinago ngunit kinalingang sakit. Ngunit tinatawag ako upang muling magsimula, muling sumulat at kumanta sa mga pinakamadilim, pinakamalungkot at pinakamalalamig na sulok ng aking isipan.

Walang pinapangako, walang kayang ibigay, ngunit tila naghihintay. Dinaanan ako ni Maningning at ako ay muling nabuhay.

E


Berso #2
Ni Maningning Miclat



Cynthia Alexander singing Berso #2



Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog.
Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog,
Parang ang puso ko itong nadudurog.

Kung mag-isa ako huwag nang isipin,
Sa dilim ay dapat pa akong hanapin.
Habang may luha ay huwag pang ibigin,
Sa pangarap ko ay huwag nang gisingin.

Kaya kong maghintay sa mga tula mo
Makinig sa awit ng kabilang dako
At tuklasin sa paglalakad na ito
Hamog at luha ng bulaklak at damo.

Mapapanood and sayaw ng tutubi
Mapapakinggan ang ibong humuhuni
Hihinahon ang pusong di mapakali
At hihimlay na sa mapayapang gabi.

Dumaan ako sa tahimik na ilog,
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay nahulog
Parang ang puso ko nga itong nadudurog.