Thursday, March 29, 2007

Jun Ducat

Ano kaya ang tumatakbo sa isip mo ng mga panahong iyon?
Ano kaya ang nilalaro ng iyong pagal na pagmumuni-muni at pagninilay
Ng piliin mong igarahe ang bus sa tapat ng monumento ni Bonifacio
Bitbit ang iyong nakatikom kamaong galit na kay tagal mong tinago at binusalan.

Ano kaya ang tunay na dahilan?
Ano kaya ang sadya mong layunin?
Ng isara mo ang pintuan ng bus
kasama ang iyong mga mahal na musmos
Upang magbukas lamang ng panibagong pinto
ukol sa isang partikular na yugto
na wala halos nangangahas sumilip o panandaliang pumasok.

At ano ang yugtong ito?
Ano ang iyong binabanggit na realidad?
Ano itong katotohanan na sadyang pilit pinapagpag ng marami
At pinagdadamutan ng pansin?
Ano itong luma at inaamag na istorya na iyong nais muling ikwento
At ilathala sa panlipunang libreto ng tao?

Ito ba yung sumisigaw na realidad na kailangan mong gawin ito?
na kailangan pang mangyari ito?
Upang maipaabot at mairehistro ang sugat ng marami,
Ang lalim ng peklat ng mga binusabos at inapi
sa mga nahihimbing at kinakalyong damdamin ng mga walang pakiramdam
sa hanay ng mga kunwaring inosente at walang alam
sa mga nagbabalat-kayo at mga swapang.

Ito ba yung katotohanan na sadyang binabaliw tayo ng bulok na sistemang ito
Ang paulit-ulit na kwento ng mga pamilyang sama-samang nagpapakamatay
nasisiraan ng bait dahil sa gutom
Kahirapan at kawalan ng pag-asa
Ang araw-araw na pagpapatiwakal ngunit walang pangako ng kamatayan
Ang taon-taon na kalbaryo
Ang minu-minutong paghuhukay ng sariling libingan
Ang paghahanda ng mumurahing nitso.

Ngunit ano ang sinabi at ganti nila sa iyo?
Ikaw daw ay sira-ulo, anarkista
Bayolente at terorista.
Silang mga hipokrito, mga bulol na verbalista at mga sinungaling,
Silang mga mahilig ngumawa at magreklamo
Habang komportableng sumisipsip ng kape sa malalamig na coffee shop,
Silang mga hungkag at duwag na usisero ng buhay.

Alam ko at alam mo rin,
Muli ka nilang ilalagay sa piitan,
dudurugin,
wawasakin
at pilit lilimutin.
Ngunit huwag kang mag-alala,
Huwag kang malulungkot.

Darating ang araw tunay na sasabog ang mga granada,
Darating ang araw mabibingi ang lahat sa putok ng mga gatilyo,
Susuntok sa langit ang milyong mga kamao
At sasaya ang mga musmos gaya ng pinapangarap mo.



Emmanuel Hizon Marso 2007