ni Ravelth Castro
Ano’t kailangan ko ng lumisan ay hindi kita maiwan-iwan
Hindi masanay-sanay gayong paulit-ulit ka na noong namaalam
Tatakbo na lamang ang tren sa istasyon
Subalit waring mga punong nakaugat
Itong aking mga paa sa pagkakatindig sa hinatayan.
Hindi ko nais matinag o yumukod man lang,
Kahit kumurap at malingat ang tingin sa iyong mukha.
Ganito ang tindig ng isang pararangalan
Kapag tatanggapin ang kanyang parangal, kinakabahan
Subalit nakatango, nakamasid sa kanyang ginto
O ng isang deboto tuwing mamanata sa harap ng altar,
Mataimtim kung magdasal, malalim, katulad ng aking panalanging
Sinasambit parang ritwal, panay na panay kahit hindi
Nakaharap sa mga santo o mga litratong dinadasalan.
Ganyan din ang pag-usal ng dasal ng isang bayaning
Babarilin o lalatayin ang likod para sa kanyang bayan
Hindi mapag-imbot kung mag-isip, buong-buo kung magbigay
Ng sarili. Namamaalam subalit iiwanan ang kanyang aral
Maisusulat sa mga aklat, maikikintal sa mga utak
Ng mga anak, hanggang sa kanilang mga anak-anak
At mistulang isang istoryang hindi nagwawakas
Kung paanong ang pagkabilog ng isang bilog
Ay di nauubos o napuputol katulad ng singising
Kahit san malaglag ay mananatili sa kanyang hugis
Hindi maikakaila ang pagkabilog kahit anong panahon.
Ganyan sinta kung ibigin kita, walang kinikilalang
Taon, lugar, salita. Walang paghihiwalay na susukat
Sa aking di mabibilang na pagmamahal, di mahahati,
Kahit paulit-ulit mo akong iwan, saktan o masaktan kita.
Hindi itong pamamaalam ang siyang wawaksi
Sa di maampat kong damdaming lampas-dibdib
Iniibig kita hanggang sa muling pagkikita,
Hanggang sa muling paghihiwalay iniibig kita.
Hanggang sa muling walang katiyaka’y ikaw pa rin sinta
Kung ikaw ma’y muli’t-muling darating at lilisan sa aking kandungan.
Buong ringal kong sasabihin kung paano kitang minamahal
Minahal at mamahalin, paulit-ulit at malakas na malakas
“Ikaw lang at wala ng iba”, “Ikaw lang at wala ng iba”.
Friday, May 18, 2007
Subscribe to:
Posts (Atom)