Thursday, January 10, 2008

Labada at Buhay: Dalawang Tula

Paglalaba
niJames Miraflor


Bukas, lalabhan ko ang aking
pagkatao.

Sa umaga, ibababad ko sa tubig
ang manilaw-nilaw na tela ng aking
kahapon. Lalagyan ko ng kaunting
chlorox para matunaw ang mga mantsa
ng galit at pagsisi.

Sa tanghali, kukusutin ko
ang aking pagkatao sa isang baldeng
puno ng tubig at sabong panlaba.
Kukusutin ko hanggang sa ang
bawat hibla at alalaa ay
maputi na at mabango.
Kukusutin ko. Tapos
kukusutin ko pa.
Kukusutin.
Kukusutin.
Kukusutin.

Sa hapon, ibababad ko sa downy
ang aking nakaraan.
Palalambutin pagkatapos
manigas at gumaspang sa
matinding paglalaba. Ibababad
ko ito hanggang sa ang bawat
hibla ay maari ko nang tignan
ng walang hapdi ng paghuhugas
o pagtitika. Ibababad ko
ito hanggang sa ang bawat
alalaa ay maginhawa ko nang
maidadampi sa katawan
ng aking kukote.

Sa gabi, isasampay ko ang
aking basa ngunit malinis at
mabango ng pagkatao sa ilalim
ng pagpapatawad ng buwan.
Matutuyo sa mga halik ng
malamig na hangin ng
Oktubre ang tubig na luminis
sa aking kaluluwa.

Sana sa makalawa,
may bago na akong buhay
na maisusuot.



Pagod na labandero

(Sagot sa Paglalaba ni James Miraflor)
Ni Emmanuel Hizon

Minsan kahit gaano mo labahan, kahit gaano mo kusutin,
kahit gaano mo katagal ibabad,
kulahin at muling kusutin,
ang mantsa at bahid ng nakaraan ay hindi halos lumisan.

Ginawa mo na ang lahat,
ipinilit mo ang lahat,
ngunit sa dulo ikaw ang kumupas, numipis at nawasak.

Para kang lumang maong na pinagsasama na lamang ng mga himulmol
at balintuot na tela at sinulid.
Para kang damit na halos mapagkamalang basahan, punasan ng burak at dumi.
Sagana ka sa laba, hitik ka sa pagpupunyaging luminis at maging bago
ngunit sa dulo...

Ikaw ay naglaba,
Ikaw ay nilabhan,
Ngunit ikaw ay nasira.