ni Fermin S. Salvador
Minsan, kailangan natin ang tumula:
Pagbigyan ang utos ng mayuming puso
Na isalaysay ang hibla ng pagsuyo
Sa panahong tigang ngunit nagdurugo.
Minsan, kailangan natin ang tumula:
Hangga't may sandali, ngayong dapithapo'y
Tila gumagapang dapwat nag-aapoy,
At ang kamalaya'y pawang pagtatanong.
Minsan, kailangan nating mabahiran
Ng tintang may hiyaw, may samyo, may igkas
Sa daliri't maging sa pusod ng lakas
Matapos mahimbing, maghaka't magmalas.
Minsan, kailangan natin ang umibig:
Sa kinabuwalang malamig na lupa,
Tukod ay pangarap at mga pandama,
Minsa'y kailangan natin ang tumula.
Monday, April 9, 2007
Subscribe to:
Posts (Atom)