Emmanuel Hizon
Walang tula ang kayang magbalik ng dating tayo.
Walang mga tugma, linya at mga berso ang kayang magpalambot
sa mga pusong tila mga asero kung sumuntok sa pagmamatigas.
Walang mga suyuan, nakagisnang ritwal at pagsasamo ang kayang pakiligin at kilitiin ang mga malulungkot na sulok ng ating mga damdaming halos inamag na sa pagkaumay.
Walang tula ang kayang magbalik ng dating tayo.
Walang mga paumanhin, pangungumpisal at pagsisisi ang kayang magpapurol sa mga
Matatalim na tinginan at salita na ating pinansasaksak sa isa’t isa,
Malalalim at magpapasyang mga unday na sumusugat,
Tila mga lason sa ating mga ugat.
Walang anumang awit o ritmo ang kayang magpatulog o magpaindak sa ating mga kamalayang gising at dilat sa kalaliman ng gabi
Umiiyak,
nagluluksa
Sumisigaw ng tahimik sa ating mga ‘di inaasahang inabot at pasanin.
Walang tula ang kayang magbalik ng dating tayo.
Walang buhay, naghihingalo at patay na makata ang kayang mangumbinsi na dapat nating bisitahin ang museo ng ating nakaraan.
Lubhang hindi uubra ang mga taludtod at prosa nila Pablo, Francisco, Virgilio at Krip
Lahat sila ay pawang mga serye ng kabiguan
Walang historyador ang kayang maghalungkat ng ating mga nakatagong buto, mga antigong sumpaan at iba pang reliko,
Walang simuman ang may kakayahan,
Walang sino man ang makakahukay.
Walang tula ang kayang magbalik ng dating tayo.
walang bahay-aklatan at biblioteka ang makapagbibigay ng anumang ayuda
walang lansangan at bulwagan ang kayang magbitiw ng mga talumpati para muli tayong ipagdiwang
walang papel at panulat ang makakasulat ng anuman upang maging tayo muli.
Walang tula ang kayang magbalik ng dating tayo.
Wala,
Wala,
Wala.